Damit. Plato. Laro. Pangarap.
Monday, January 26, 2009
7:19:09 PM
Japan AirLines Flight 061
LAX-Narita-NAIA
Kalilipad lang ng eroplano mula Narita Airport patungong Maynila…
Tatlong buwan at labing-anim na araw simula ng una akong lumipad patungong America…
Tatlong beses na pagbalik-balik sa Pilipinas…
Pasarado na naman ang isang yugto ng buhay ko at ni Ploning…
Ang yugto ni Oscar…
Napakaraming magagandang karanasan…
Napakaraming bagong kaibigan…
Napakaraming natuklasan at natutunan…
Kung ikukwento ko lahat…
Marahil ay kukulangin ang baterya na laptop ko…
Ikukuwento ko na lang sa kaugnay ng apat na magagandang mga salita ng nagkaroon ng bagong kaugnayan kay Ploning:
Damit.
Plato.
Laro.
Pangarap.
DAMIT
2007…
Halos isang taon akong hindi bumili ng damit…
Dahil nga pinili kong ipahinga ang katawan ko sa trabaho…
Kasabay noon…
Namahinga din ang wallet ko…
2008…
Wala akong choice…
Kailangan kong bumili ng damit dahil tuloy tuloy ang mga promo at events ng Ploning…
Pagdating sa America…
Lalo ko pang kinailangan ng mga damit dahil hindi na uubra ang nakasanayan kong board shorts at flip-flop sa ginaw ng panahon…
Hindi ako nahihiyang dumiretso sa likod ng mga tindahan kung saan naroon ang mga clearance sale…
$3-$6 na T-shirt…
Mahal na ang sapatos pag lumagpas ng $20…
Kaso nung dumating ang winter, wala ng winter clothes sa clearance…
Kinailangan ko ng mamili ng medyo mahal na damit…
Paano ko naman na-afford ang winter wardrobe ko gayong ang anniversary special lang ng ‘Wish Ko Lang’ ang naging trabaho ko nung dulo ng 2008?
Yong per diem ni Hoody na binibigay niya sa akin…
Yong binuong pera ni Inay Uge mula sa mga kaibigan para maingganyo akong pumunta sa New York…
Mga shopping bag na bigla na lang inaabot ng mga kaibigan…
Kadalasan pera mismo na pang shopping.
PLATO
Ang laki ng portions ng pagkain sa America!
At kahit pauwi na ako, hindi pa rin ako nasanay.
Yong ang dahilan kung bakit 20lbs overweight ako ngayon!
Sa America, natutunan kong panghawakan na pag sinabi ng kasama ko na “my treat”…
Hindi na ako nagpupumilit dumukot ng wallet…
Dati-rati kasi…
Mga matatalik ko lang na kaibigan ang pinapayagan kong ilibre ako ng pagkain…
Tapos pag hindi ko ka-close, pipilitin ko talagang mag share…
Out of pride.
Dati-rati…
Three nights ang adjustment ko…
Bago ako makatulog ng mahimbing sa kamang hindi akin…
Sa America,
Mahigit dalawampung kama ang pinakitulugan ko…
At mahimbing kaagad ako unang gabi pa lang…
Out of pagod.
Dati-rati…
Hindi ako gumagamit ng toilet ng ibang bahay…
Pag may shoot, uuwi pa ako o titiisin ko hanggang ma pack-up.
Iba na ngayon.
Out of necessity.
LARO
Theme parks ang isa sa pinakamalaking attraction ng Los Angeles…
Nung una akong dumating…
Sabi ko sa mga kaibigan kong nag-aaya,
‘Saka na lang, matagal pa naman ako’…
Nung nagpasukan na ang mga pera na donasyon sa kampanya…
Nahiya na lalo akong mamasyal…
Baka makita ng mga tao ang mga pictures at isipin nila na ginagastos ko lang ang pera sa pamamasyal sa mga theme parks…
Ayun…
Pagkatapos ng tatlong buwan sa LA…
Ni hindi ko napasok ang Disney at Universal Studios!
Ang tanging naging bakasyon at laro ko ay noong bagong taon na sinagot ni Hoody ang pamasahe ko papuntang New York…
At nanood kami nila Inay Uge at Andoy ng mga Broadway plays na sagot naman nila ang tickets…
Si Lord naman, pinaglaruan ako…
Two days bago ako umalis noong Oktobre,
Nawala sa Puerto Princesa ang wallet ko…
Within one day, napa-replace ko naman ang driver’s license at ATM’s ko…
Pero pumunta ako sa America ng walang credit card.
Pag-uwi ko ng November, nakuha ko ang replacement card ko…
Ewan ko ba…
Hindi naman ako burara…
At buong buhay ko…
Mabibilang sa daliri ng isang kamay ang pagkakataon na nawalan ako ng wallet…
Pero bago magpasko…
Nawala uli ang wallet ko…
Sa LA mismo!
Sa isang siyudad na halos hindi nagdadala ng cash ang mga tao…
At hindi rin puedeng mag commute…
Wala akong lisensiya at credit card!
Habang hinahanap ko ang wallet sa ilalim ng mga kotse kung saan ko ito maaring nalaglag…
Sabi ko kay Lord… ‘Bakit naman ngayon pa… huwag mo naman akong paglaruan…!’
Ewan kung dala lang ng pag akyat ng dugo sa ulo ko habang nagtututuwad sa isang parking lot…
Parang sinagot ako ni Lord na, ‘Sa pagkawala ng wallet mo, iniisip mong pinaglalaruan kita, eh puede namang mangyari yan sa lahat ng tao… Samantalang sa aspeto na kalahok sa Oscars at nanalo ka ng Best Director sa Asia sa unang pelikula mo, hindi mo naiisip na baka doon din, pinaglalaruan kita?’
Natahimik ako…
At nag paubaya…
PANGARAP
Sa ngayon…
Halos lahat ng bagay na pinangarap ko ay natupad na…
At mas marami pang ni hindi ko pinangarap pero nangyari…
Ano pa nga ba ang papangarapin ko?
Nagustuhan ko ang pagdi-direk…
Hindi lang dahil sa mga palakpak…
Higit dahil sa pagkakataong maipahayag ang mga saloobin at mga pinaniniwalaan ko…
Pangarap kong makagawa pa ng mga pelikula at maka antig ng damdamin.
Tulad ng naging karanasan ko sa America, pangarap kong makilala pa lalo ang sarili ko sa pamamagitan sa pakikipaghalubilo sa iba’t ibang uri ng tao…
Pangarap kong magkaroon pa ng maraming kaibigan…
Hindi dahil sa libreng shopping…
O puedeng makitulog sa bahay nila…
At makigamit ng toilet…
Pangarap kong muling maramdaman ang pagtitiwala ng mga dating kaibigan at mga bagong kaibigan…
Mga kakilala at makikilala pa lamang…
Mga dati ng pinagkakatiwalaan at pagkakatiwalaan pa lang.
Sa yugtong ito ng buhay ko at sa pangarap na Oscar ni Ploning…
Natuto akong magtiwala lalo sa mga tao sa paligid ko…
At sa sarili ko.
At sa Diyos.
Nagmamahal ako… nagtitiwala.