Archive for November, 2008

OBASIWOKA! Ang Daan Patungong Oscars / ikalawang Yugto

Thursday, November 20th, 2008

Friday, November 21, 2008

6:33:12 AM

 

Ang aga kong gising…

Eh, samantalang tatlong oras pa lang ang tulog ko.

 

Hilo ang body clock ko…

Pero panatag.

 

Mamayang 9:45 PM pa ang appoinment ko…

Screening ng Ploning sa HongKong Asian Independent Film Festival.

 

Oo nga pala…

Andito ako ngayon sa Hongkong.

 

Room 1511.

Metro Park Hotel.

75 Waterloo Road.

Kowloon.

Hongkong.

 

Limang linggo mahigit din akong nanatili sa America.

Nangatok…

Naki-usap…

Nakipag kaibigan.

 

Lahat yon para sa kampanya sa Oscars.

 

Sa loob ng limang linggong yon…

Madaming pinto ang nagbukas para sa akin…

Madami akong nakausap…

At madami akong naging kaibigan.

 

May mga nakahalubilo ako na mga tao na tulad ko kay nangangarap din na magka Oscar…

May nakahalubilo din ako na mga tao na nakatanggap na ng Oscar…

At nakakita na rin ako ng totoong Oscar.

 

Kasabay nito…

Dumami na rin ang imbitasyon ni Ploning sa iba’t-ibang festival.

 

Hongkong Asian Independent Film Festival. For exhibition. Hongkong…

International Film Festival of India. In competition. Goa, India…

Asian Festival of First Films. Nominated kami for Best Film, Best Director at Best Screenplay.  Singapore…

Palm Springs Film Festival. Festival kung saan magtitipon-tipon lahat ng ‘For Consideration’ sa Oscars. America uli…

 

Lahat ‘yon kailangan kong puntahan.

Upang muling mangatok…

Maki-usap…

At makipag-kaibigan.

 

Habang nangayari ang lahat ng ito…

Gusto ko man sanang magyabang na…

Lalong ipinapako ng mga kaganapang ito ang mga paa ko sa lupa.

 

Ang laki nga pala talaga ang mundo…

Ang daming pelikula…

At ang daming manggagawa sa likod ng pelikula.

 

Isa lamang ako sa milyon-milyong ‘sila’…

 

Isa ang natutunan ko…

Hindi ang Oscars ang nagpapaikot ng mundo ko…

Pero ito ang ginagamit ng Diyos upang ‘makita’ ko ang mundo.

 

Kagabi..

Sa Hongkong airport…

Isang mamang intsik na nakasuot ng pusyaw na asul na amerikana ang sumasalubong sa lahat ng Pilipinong lulan ng eroplano at tinatanong niya ng, ‘Obasiwoka?’

Karamihan sa mga kasabay ko sinasagot siya ng ‘Oo’ at sumusunod sa kanya…

Mas pinili ko na sundan na lang ang arrows dahil hindi ko naintindihan ang sinasabi niya.

 

Halos tatlong araw lang ako sa Pilipinas bago tumulak dito.

Pagbalik ko, baka tatlong araw din lang tumulak na ako papuntang India…

Tapos sa Singapore…

Mula Singapore, tatlong oras lang ang ititigil ko sa Maynila tapos balik na uli ng Amerika.

 

Tuloy sa pagkatok…

Tuloy sa pakiki-usap…

Tuloy sa pakikipag-kaibigan.

 

Naisip ko uli ngayon ang intsik na mamang naka-pusyaw na asul na amerikana sa airport.

 

Kung sinagot ko pala siya ng ‘Oo’…

At sumonod ako sa kanya…

Hindi naman ako nagkamali.

 

Dahil sa halos hindi na ako natitigil sa Pilipinas…

At lahat ng mga kailangan kong gawin sa mga susunod na buwan ay sa ibayong dagat…

Marahil nga ay maituturing na rin akong isang ganap na…

OBASIWOKA!