Archive for November, 2007

When God Told Me, “Quota Ka Na!”

Thursday, November 15th, 2007

Dalawang linggo na ako dito sa Puerto Princesa.
Nagsusulat…
Nagninilay-nilay…
Naka tatlong balik ako sa Manila within that period.

Sa mga nagdaang araw labis labis ang kaligayahan na nararamdaman ko…
Sobrang in touch ako sa sarili ko at kay God…
Maari kong sabihin na,
‘I was never better’… hehehe!

Gumigising ako sa umaga na napakagaan ng pakiramdam.
Pagbaba ko ng bahay, kakilala ko ang mga nakakasalubong at binabati ng ‘magandang umaga’…
Magsusulat…
Konting work out…
Sulat uli…

Siesta…
Mamamalengke ng mga murang seafoods…
Magsusulat habang hinihintay maluto ang hapunan…

Paglubog ng araw, magmamano sa mga magulang ko…
Maghahapunan kasama ang pamilya…
Magsusulat uli habang nagpapa antok…

Tuwing naiisip ko si God, isang dasal lang ang naiuusal ng puso ko…
‘pahingi pa po ng maraming ganitong mga araw’…

Bumabalik lang ako sa Manila para mag taping at mag shooting.
Pero naiiwan dito ang puso ko.
Dahil kaya panahon na para tutukan ang mga bagong dapat na ginagawa ko?

Today, makakakuha ako ng anim na libong piso mula sa isang network…
Sa November 28, isa daw ako sa mga bibigyan ng plaque…
At isang 18k na alahas…
Lahat ng ito ay bilang pabuya sa sampung taon kong paglilingkod sa kanila…

Hindi lang ako sampung taon na production designer…
11 years to be exact…
Yong isang taon doon, ipinahinga ko…
Hinanap ang sarili ko na inakala kong nawawala…

This year, sinubukan ko uli mag PD…
Tinanggap ko ang launching soap ng isang kaibigang direktor…
Nakipagtrabaho sa isang director na kababayan…
Napilit gumawa ng isang proyekto para sa isang bagong kakilalang director…

Ngayon taon din…
Na nominate ako sa Famas at Star Awards…
Nanalo sa Cinemalaya…
Hindi ito kabilang sa mga ipinagdasal ko pero binigay Niya.
Baka kasi gusto Niyang ma-realize ko na ito na ang quota.

Sa pagbabalik ko sa pagdi-disenyo…
May mga dating katrabaho na muling nakasama…
May mangilan-ngilan na napasaya…
Meron ding mga nadismaya…

Tapos na ang episode ko ng Shake, Rattle and Roll…
Patapos na ang Princesa ng Banyera…
Konting tipid na lang may keso at hamon na ako sa Noche Buena…

Kung may mga darating pang proyekto,
Makalibong beses ko na itong pag-iisipan…
Dahil nga…
Nagamit ko na ng lubusan ang gift na ito ni God…

Hindi pala ako nawala…
Masyado lang malayo ang bato ng tingin ko…
Nalalagpasan at nakakaligtaaang buksan ang mga bagong regalo…
Mga patunay na pinanonood at pinaplano ng Diyos ko ang buhay ko.

Marami na akong naging staff na magagaling na ngayong production designer, stylist, art director…
Ang iba taon ang binilang ng pagsasama…
Ang iba nama’y nakasama sa isang proyekto lang…

Si Joe Kenneth…
Si Dave Bronson…
Si Raymund George…
Si Andrew Miguel.

Si Popong…
Si Bojong…
Si Bong…
Si Popoy.

Si Trinka…
Si Guia…
Si Pao…
Si John…
Si Digo.

Kung ang totoong paraan mga paggamit ng regalo ng Diyos ay ang pagbabahagi nito sa kapwa…
Quota na nga ako.
Napakinabangan ko na ng lubos ang regalo ng pagde-disenyo.
Panahon na para bigyang pansin at buksan ang mga bagong regalo.

Ang makukuha kong anim na libo ay ipapagawa ko ng isang eskaparate…
Doon ko ilalagay lahat ng mga larawan na magpapaalala sa akin ng nakalipas na labing isang masasayang taon…

Sa bagong kabanata ng buhay ko, makikipag trabaho ako sa mga batang nais matuto sa mga naging karanasan ko bilang production designer…
Ibabahagi ko ang lahat ng saya at lungkot…
Kung paano ko ninamnam ang mga papuri…
Kung papaano ininda ang masasakit na salita at natuto mula dito…
Wala akong ipagdadamot.

Ako si Dante Nico Garcia,
naging Production Designer.
Nag quota.